Isang maalab at taospusong pagbati sa inyong lahat Batch 2022! Ang tagumpay ninyo ay isang kontretong katibayan ng katatagan sa kabila ng pagsubok. Dahil dito, kami dito sa SDO Benguet, ang inyong mga guro, magulang, mga opisyal ng pamahalaan at lahat ng sumusuporta sa inyo ay lubos na nagpapasalamat sa Maykapal sa kanyang walang hanggang kabutihan at patnubay.
Tunay ngang kayo’y halimbawa ng tibay ng loob dahil napagtagumpayan ninyo ang dalawang taong hamon ng pandemya. Namnamin ninyo ang galak ng tagumpay at gamitin itong tuntungan tungo sa kinabukasang naghihintay sa inyo. Patuloy na mangarap at magpursigi. Huwag matakot na sumubok at magtangka sa kabila ng maaaring pagkabigo. Tanggapin ito at bumangon muli at huwag hayaang taningan nito ang inyong determinasyong makamit ang pinaka mabuti at pinakadakilang bersyon ng pagiging ikaw, pagiging kayo.
Humugot tayo ng inspirasyon sa kwento ng buhay ni Henry Sy. Siya ay ipinanganak noong 1924 sa Xiamen China sa isang mahirap na pamilya. Dahilan ng kahirapan, sumunod ang 12 taong gulang na si Henry Sy sa kanyang amang noo’y may maliit na negosyo sa Pilipinas. Naramdaman niya ang matinding hirap sa lupang banyaga ngunit naging determinado ang batang Henry. Nagsikap siyang matutunan ang wikang Filipino at Ingles. Araw at gabi ang trabaho niya upang matustusan ang kanyang pag-aaral. Isang maliit na sari-sari store si Quiapo ang negosyo nilang mag-ama. Noong World War II, nasunog ang kanilang sari-sari store na naging dahilan upang bumalik sa China ang kanyang ama. Hindi sumuko si Henry kahit 10 sentimo lamang ang naiwan sa kanyang bulsa. Nagbenta siya ng mga G.I boots sa mga kalye ng Maynila umaraw man o umulan. Dahl sa pagsisikap niya, lumago ang kanyang negosyo sa sapatos kaya noong taong 1958 napatayo niya ang kanyang pinakaunang ShoeMart sa Quiapo, Manila. Mula sa sapatos, pinalawak niya ang sakop ng kanyang negosyo. Dumami pa ang branches o sangay ng ShoeMart na sa kalaunan ay tinawag na SM mall. Sa ngayon, ang SM malls ay makikita na sa mga malalaking lalawigan at lungsod sa buong bansa. Maaaring inaakala ng mga kostumer ng SM na likas na mayaman ang may-ari nitong si Henry Sy na isa na sa mga pinakamayamang negosyante sa bansa. Ang kanyang tagumpay ay kuwento ng pagsisikap, sipag at tiyaga sa kabila ng mga pagsubok.
Hindi man kayo magiging eksaktong katulad ni Henry Sy ngunit sa bawat isa’y may nakalaang daang tatahakin tungo sa matagumpay na kinabukasan. Ang kasalukuyang taglay niyong kaalaman ay mahalaga at inyong mapapakinabangan ngunit kailangang patuloy niyong linangin ang pagkamalikhain, kakayahan sa mapanuring pag-iisip, wastong komunikasyon at pakikipag-ugnayan, kasama ang responsableng paggamit ng teknolohiya. Kaakibat nito ang di natitinag na tiwala sa Diyos, sa sarili at sa mga taong nagmamahal sa inyo. Humayo at salubungin ng may galak at pag-asa ang bukas. Sa panahong kaharap mo ang maraming hamon, magpakatatag at laging isaisip na hindi ka nag-iisa. Tulad ng motto ng BDO bank na pag-aari na rin ni Henry Sy, “We find ways.” dahil may paraan lagi laban sa pagsubok.
Mabuhay ang gradweyt ng K to 12 at lahat ng nagtapos ng Kinder, Grade 6 at Grade 10! Panatilihing buhay ang sigasig sa mga pangarap at tatag sa mga pagsubok! Mabuhay ang mga guro, magulang at mga tagapagtaguyod ng edukasyon! Salamat! Ang pagpapala ng Diyos ay mapasainyo.
GLORIA B. BUYA-AO
Pansangay na Tagapamanihala ng mga Paaralan